Book Review: Kwentong Tambay ni Nicanor David

Kwentong Tambay

{Book Cover by Nicanor David Jr. & Renerick Sevilla}


Continued from (Komedya Dekada 90)




Mag-aapat na taon na ng una kong maisipang silipin kung ano na ang nangyari sa mga mga kaklase ko noong high school. Mag-aapat na taon na rin ng una kong masilayan ang mga Kuwentong Tambay ni Nicanor "batjay" David.





Naisip ko noon, siguradong merong mga website ang ilan sa mga kaklase ko sa Notre Dame Manila, dahil marami sa kanila ang tumuloy sa Mapua upang maging engineer. Hinanap ko sila sa Google. Doon, doon ko unang nadiskubre ang buhay ni kuya Nicanor "batjay" David, isang OFW na gaya ko ay taga-Notre din.



Fad-ing



Dahil sa kakaumpisa lang ng Internet Café ko noon (huwag mo ng tanungin kung anong nangyari sa negosyo ko dahil nakakalungkot), at dahil na rin sa hindi ko pa alam ang web feeds, hindi ko na nabisita ang blog ni kuya batjay, at pansamantala ko ng nakalimutan ito.



Akala ko rin kasi noon, isang "fad" lang ang blogging. Nadala na kasi ako. Web designer kasi ako noong 90s, at maraming kumpanya ang nagsulputang parang kabute sa Internet. Mga kumpayang bigla-bigla na lang nag-silahong parang bula pagkatapos ng dekada. Eh, bakit ako nagblo-blog ngayon?



Tatlong dahilan. Una, crush ko ang katrabaho ko sa web design noong 90s - siya ang kauna-unahang taong kakilala ko sa personal na nagblog. Gamit pa nga niya noon geocities. Kaya Winter, kung nababasa mo ito - oo, totoo ang tsismis.



Pangalawa, dahil kay Bob Ong. Noong lumabas ang blog niyang "Ang Paboritong Website ni Hudas", nag-iba ang pananaw ko sa potensiyal ng Blogging. Biruin mo, parang Carlo J. Caparas universe ang Blogging, puwede maging writer kahit hindi yari sa ginto ang diploma.



Pangatlo dahil kay Batjay.



Notre



Lumipas ang kalahating taon at tuluyan ng nawala sa isip ko ang kuwentong tambay. Isang araw, lumabas sa usapan ng mga kapatid kong babae ang ugali ng mga naging titser nila. Naalala kong bigla ang high school teacher kong si Mr. Gabertan, at pangisi kong siyang naikwento. Kinagabihan hinanap ko si Gabertan sa Internet. Doon, doon muling lumitaw ang Kwentong Tambay.



Nag-retire na pala si Mr. Gabertan. At hindi lang yun nabulaga rin pala ni sir si kuya Nicanor "batjay" David. Naalala ko tuloy, inaantok ako noon, nagpa-pop quiz si Gabertan. Putsa, test pala yun kung sinong sasali sa World History Quiz Bee. Eh, ako ang nakakuha ng highest sa section namin - 'nak ng tipaklong. Gaya ni Batjay, nakaharap ko rin valedictorian namin. Talo. Ang consolation prize? (drum roll) Libro sa history.



I, Blog



Magmula noon, regular na ako ng nagbabasa ng blog. Noong una patingin-tingin lang ako sa mga blog. Hindi ko pa kasi alam ang web feeds noon, kaya gumugol ako ng pagkarami-raming oras pala lamang malaman kung updated na nga ba ang mga blogs. Pero kalaunan, natuto na rin ako kung papaano mapabilis ang pag-babasa sa mga blogs. Apat na araw mula ng mag-blog ako, isa sa paborito kong writer, si Jessica Zafra, ay nagumpisa na ring mag-blog. Naisip kong panahon na para mag-contribute na rin ako.



Kaya heto, mag-iisang taon na akong nagbloblog. At tatlong taon ng sumusubaybay sa buhay ng isang dakilang tambay.



Kwentong Tambay ba kamo?



book fair

"Kuya, sama ka sa World Trade Center, last day na ng Book Fair ngayon," sabi ng kapatid kong babae.



"Kayo na lang, tinatamad ako."



Pero, ang totoo, gusto ko talagang pumunta. Naisip ko lang, pag pumunta ako doon, siguradong bibili ako ng libro. Eh, ang haba na ng backlog ng mga librong binili ko na hindi ko pa nababasa. Kaya nilagayan ko muna ng moratorium ang pagbili.



Mag-iisang linggo din akong hindi nag-Internet, para matapos kong basahin ang mga libro. Pagkalipas ng dalawang araw, nalaman kong kasama pala ang Kwentong Tambay na libro sa book fair! Parang gusto kong sipain ang puwet ko.



Thank you Psicom Publishing



Psicom

Pumunta ako sa National Bookstore Cubao, dahil ito ang madalas ng may stock. Wala pa raw, sabi ng customer service nila. Fully Booked, at Powerbooks? Not available.



Mabuti na nga lang at the best ang mga tao sa Psicom Publishing. Si Angel Razonable, ang magandang sekretarya ng Psicom, ay pinaunlakan ang aking hiling na makakuha ng kopya kahit na hindi pa naka-input sa computer ang nasabing libro.



"Sana pumunta ka sa Book Fair," sabi ni Angel.



"Ah… oo… nga," pabuntung-hininga kong sagot.



Maya-maya pa'y lumitaw si Dennis Sotelo, ang in-charge sa pag-hahandle ng mga libro. Yes! Para akong nanalo sa lotto - hawak ko na ang dilaw na libro.



"Kailan kaya ito magiging available sa bookstore?" tanong ko kay Dennis.



"May Purchase Order na," sabi ni Dennis.



"Mabuti naman. Sa tingin mo Dennis, gaano pa katagal bago 'to ma-release?"



"Madalas one week lang… pinakamatagal na ang dalawang linggo."



National Bookstore Policy





Pagdating ko sa bahay ang una kong ginawa ay tumawag sa National Bookstore Head Office. Tinanong ko ang policy nila tungkol sa mga bagong libro.



Gaya nga ng inaasahan ko, negosyong pananaw ang mga sagot ng purchasing nila: 40% discount ang offer para sa publisher, consignment. Tapos mga requirements na katulad ng sales invoices, purchase order, atbp.



Pero mas interesado ako sa kung ano ang laman ng mga librong pumapasa. Kaya tinanong ko ulit: ano nga ba ang "content" ang puwede at hindi puwede. Negosyong sagot pa rin. Dapat daw may market. May mga "slow-moving" daw na tinatanggal pagkatapos ng 3-6 months. Hindi pa rin sinasagot ang mga gusto ko talagang malaman.



Kaya tinanong ko ulit. Negosyong sagot pa din. Paikot-ikot kami. Naisip ko tuloy, baka hindi talaga alam ng purchasing nila ang editorial policy. Hanggang nakulitan na siguro sa akin, sinagot din ang una kong tanong.



Family oriented pala ang National Bookstore. May mga kaso daw na tinanggal ang libro dahil sa mga sulat at email ng mga "concerned citizen." Sa madaling salita kung may mga libro kang nakikitang nakalagay sa glass case, o bigla na lang naglaho, malamang hindi mabenta, o kaya na-censored.



Market! Market!



Kinabahan ako sa sagot ng National Bookstore. Hihimatayin kasi ang mga Maria Clara sa libro ni Batjay. Sayang naman kung i-pupull out, malawak pa naman ang sakop ng National Bookstore sa bansa. Huwag naman sanang ma-ikahon na lang ang libro sa mangilan-ngilang tindahan na katulad ng Filbars, Booksale at Fully Booked.



Mabuti na nga lang at ipinuwesto ang isang paragraph sa foreword ni Manuel L. Quezon III sa book cover. Kilala ang pangalan ni Manolo, at madalas na siyang lumabas sa TV, inaasahan kong mahihirapang harangin ito ng mga censors. At kung sakaling ma-censor man, nandiyan si Sassy Lawyer, na may foreword din sa libro, upang ipagtanggol ang nasabing libro. Good move Psicom.



At kung market naman, tiwala akong bebenta ang Kuwentong Tambay. Unang una maraming OFW sa Pilipinas. Pangalawa kwela ang mga Pinoy. Kaya malakas ang loob sabihing papasa talaga sa National Bookstore ang Kuwentong Tambay.



Layout! Layout!



Na-alala ko tuloy, ang kauna-unahang naging trabaho ko - layout artist sa isang Printing press. Kahit mababa ang sahod, masaya naman akong nakikita ang pinagpaguran ko. Pagkatapos noon nagtrabaho naman akong bilang graphic artists, tagagawa ng logo, atbp. Kaya pag bumibili ako ng libro, judge the book by its cover first, ang motto ko.



Ang design ng book cover ng Kuwentong Tambay, ay nagpapa-alala sa akin ng mga taxi noong bata pa ako. Noong hindi pa puti ang mga taxi. Itim sa dilaw, sans serif fonts. Madaling mapansin sa kalayuan.



"Pangalawang design na 'to," sabi ni Renerick Sevilla, ang layout artist ng Psicom, "Hindi okay kay boss, ang naunang design."



"Ikaw ba ang nagdesign ng lahat?" tanong ko.



"Pinadala ni Batjay sa amin ang layout," sabi niya.



"Sa kanya rin 'yung drawing?"



"Concept niya, pero sa 'kin yung final… yung kahon."



"Ba't naman ang liit ng font sa quote ni Manuel Quezon?"



"Hindi na kasi kakasya."



Pinakita ko sa kapatid kong babae iyung libro, akala niya si Manuel L. Quezon III, ang author!



"Mas kilala kasi ang pangalan ni Quezon," sabi ng kapatid ko.



Pero naisip ko, maganda naman ang pangalang Nicanor "batjay" David. Ang David universal, madaling bigkasan at isa pa sa pinaka-seksing pangalan!



Easter Egg



Believe ako kay Sarah Grutas, ang editor sa Psicom. Makatatlong beses ko ng nabasa ang Kuwentong Tambay, at wala pa akong makitang halatang typo. Huwaran siyang editor. May Easter Egg nga lang akong nakita sa likod:



kwentong tambay

Deal or no Deal



Tinawagan ko si Sarah, para malaman ko kung anong ang pinagdaanan ni Batjay para maimprenta ang Kuwentong Tambay. Kaibigan pala ni Sarah si Adam David, ang pamangkin ni Batjay. Nakapag-imprenta na rin ng libro si Adam, ang City Lights, sa ilalim din ng Psicom. Si Adam, at Krisitina Aguilar, ang nag-asikaso sa dokumento ng Kuwentong Tambay.



"Matagal ng balak ni Batjay mag-publish," sabi ni Sarah.



"Ah, ganoon ba, kailan na-finalize ang deal?"



"Mga July."



Minsan, may mga librong hindi pumapasa kay Sarah, at ipinapasa niya ito kay Arael Gabriel (ang publisher ng Psicom) upang matignan kung may mababago pa, o kung dapat nang katayin. Sa kaso ng Kuwentong Tambay, sa Editor pa lang okay na.



Si Batjay at si Bob Ong



Maraming nag-tatanong kung si Batjay ba ay si Bob Ong din. Heto ang sagot: si Batjay ay hindi si Bob Ong.



Nakita ko na si Bob Ong, at sigurado akong hindi siya si kuya Nicanor "batjay" David. Kamakailan lang nag-email si Bob sa akin, binusisi ko ang daloy ng sulat niya, at magkaiba talaga ang paltik kay Batjay. Isa pa, si Bob, kailan lang nakasakay ng eroplano, samantalang si Batjay, trabaho na niya ang lumipad. Parang ito yung issue na, ako daw ang nagsulat ng Chona in the City.



Pero naisip ko marami nga namang pagkaka-pareho si Bob at Batjay. Sa bansa na kung saan nakakarami ang nagsusulat sa Ingles, pareho silang sumalungat sa agos, at nagpasyang magsulat sa sariling wika, at pareho silang mapapag-mahal sa ating bansa (enter Florante song).



Gaya rin ni Pol Medina, na naglagay ng five-star na paputok sa kina-uupuan ng katrabaho niya, kuwela din talaga sila sa totoong buhay si Bob at si Batjay. Sa madaling salita, sinusulat nila kung sino talaga sila.



At kapareho ni Nick Joaquin, takot din sila pareho sa tao. Sabi nga ni Gigi na kapitbahay ni Batjay sa California, hindi mahilig si Batjay sa limelight.



First Honor



Technically speaking, hindi si Batjay ang kauna-unahang Filipino blogger na napublish ang blog. Si Bob Ong ang una, sa kanyang "Ang Paboritong Website ni Hudas," na blog.



Pero kung pag-uusapan ang may pinaka-mahabang panahong nag-blogblog na may masugid ng nagbabasa, kay Batjay ang First Honor. Limang taon ng nag-bloblog si Nicanor "batjay" David. Samantalang si Bob Ong ay sandali lang, at nag-concentrate na lang sa pagsusulat ng libro, ng makamit ang tagumpay.



We Blog



Ang pag-publish kay Bob Ong at Batjay, ay hudyat na ng simula ng magiging uso sa mga writers sa Pilipinas.



Si Caffeinerush (Cofibean na ngayon), ay nagpublish na ng kuwento sa wala na ngayong Subjective Magazine. Si Connie Veneracion, ng Sassy Lawyer, ay kolumnista na ngayon sa Manila Standard Today. Ganoon din si Bong Austero.



Ang kabaliktaran ay nangyayari din. Mga mainstream na writers na katulad ni Conrado de Quiros, Jessica Zafra, Paolo Manalo, Manuel L. Quezon III, Ellen Torsidellas, ang mag-asawang Nikki at Dean Alfar atbp. ay may mga blog na rin.



Maski ang mga komikerong 'tulad ni Jonas Diego, Gerry Alanguilan, at Carlo Vergara, ay bloggers na rin.



Idagdag mo pa ang mga underground writers na kagaya ni Paolosbrew, at panahon na talaga para mabigyang respeto ang blogging platform.



I feel the earth move



Ang una kong napansin ng nahilig akong magbasa ng blog ni Batjay eh, panay ang allusions niya sa folk songs at classic rock. Sa title pa lang makikita mo na. Halimbawa na'y The Answer My Friend is Blowin in the Wind/Blowing Through the Jasmine in my Mind. Mga allusions kay Bob Dylan, sa Beatles, kay Joni Mitchell, atbp. Meron din namang sa literature at pelikula, katulad ng A Passage in India.



Noong una akala ko mahilig lang talaga siya sa classic rock. Yun pala, folk singer dati si kuya Batjay sa Ma Mon Luk. Mapapakingan ang kanyang mga audio recordings dito.



Where in the World is Batjay?



Mabibilang si Nicanor "batjay" David sa mga may pinakaraming blog sa Pilipinas.



Meron siyang tatlong Photo blog. Where in the World is Spider-man? ay ang blog niya na kung saan ang 18-inch spiderman na doll ay kinukuhan niya ng litrato sa mga lugar na kanyang binibisita. Around the World na mga litrato. At mga katha sa Photoshop.



Dalawang parody blog. Ang Dearl Unkey Batjay advice columns at Mahalagang Balita newscast.



Isang Music blog.



Isang Komiks Blog. Ginamit ni Batjay ang Qwantz format, sa pagsasadula.



Isang Blog na naglalaman ng kanyang mga Tula.



Isang Chopsuey Blog. Halo-halong nakakabulagang bagay na nakalap niya sa Internet.



Isang Medical blog. Blood Pressure, Weight, at Blood Sugar ni Nicanor "batjay" David.



At siyempre pa ang kanyang main blog, ang Kuwentong Tambay.



The Yellow Book



Sa labing-isang blog ni Nicanor "batjay" David, tatlo ang napasama sa libro: ang Dearl Unkey Batjay, ang mga tula niya, at siyempre pa, ang Kuwentong Tambay. Sa 107 article na napasama, tatlo lang ang talagang Ingles - Tagalog o Taglish na lahat.



Arranged chronological ang pagkakaayos ng libro. Salamat na lang sa mahusay na paghawak ni Adam, Kris, at Sarah sa materyal, hindi ko naramdamang tumatalong parang sirang plaka ang pagkakasunod-sunod.



Sinaklaw ng libro ang halos apat na taong posts ni kuya Nicanor "batjay" David, mula September 2001 hanggang June 2005. Paminsan-minsan ay nabububudran ng tula, at Q&A portion ang mga pahina, pero gaya nga ng nakasaad sa cover ng libro, ang paksang tinutukan ng libro ay ang pagiging OFW ni kuya Batjay.



Nabasa ko na dati pa ang nilalaman ng libro (meron ding ilang sa libro mo lang makikita). Pero kahit na ganoon, may kapit pa rin talaga ang galing ni Batjay sa pag-iimbento ng joke, ang pag-hahabi habi ng di magkakaugnay na bagay, at ang kakayahan niyang magulat ako.



May mga nasulat din siya sa libro na nangilid ang luha ko, dahil naalala ko ang patay ko ng lolo, at ang aking di pa rin mahanap na tatay (huwag mo ng tanungin). Isa pa sa mga bagay na nakapag-pabilib sa akin, eh ang mga love letter ni Kuya Nicanor "batjay" David kay Ate Jet, at ang kanilang pinagdaanan. Sabi ko na nga ba't hindi ko kailangan ng gayuma, para lamang maipakita kung gaano ko kamahal ang tao. Lalo nitong napatibay ang paniniwala ko sa kapangyarihan ng pag-ibig.



Michael's Rating: 10,000 stars



Bagama't puwede mong hanapin sa Internet ang mga posts sa libro, iba pa rin talaga ang hagod sa kamay ng papel na libro. May collection value. Sa halaga ng isang kain sa Jolibee (Php 120), masisilayan mo na ang natural na talento sa pag-papatawa ng Kwentong Tambay. Kaya itigil mo na ang pagbabasa, tumakbo ka na sa pinakamalapit na bookstore, and magpa-reserve ka na ng sarili mong Kwentong Tambay.


17 comments:

  1. batjay (07 September, 2006 10:30)

    wow...

    ang galing ng review mo pare ko. pati ako ay naluha. pag nabasa ito ni jet, siguradong hahagulgol yon.

    maraming maraming salamat. naalala mo ba yung ending ng notre dame hymn?

    win or lose will hold thy name, in honor of notre dame.

    kasali sa pasasalamat ko si tibo at ang misis niyang si mrs. chaves. dalawang tao who have shaped my life.

    ingat and thank you again.

    Unknown (07 September, 2006 15:42)

    Ang galing naman ng review mo, sir. Bilib ako.

    Anonymous (08 September, 2006 16:30)

    uy, special mention na naman ako hehe salamat salamat...

    salamat din for introducing batjay sa akin... nice review.

    Anonymous (10 September, 2006 11:07)

    Galing ng eksplaneysyon mo ah. Nakaka-enganyong malaman tuloy ang buhay ni Batjay.

    Anonymous (12 September, 2006 17:07)

    Sir Batjay >> You're welcome...

    Napakanta tuloy ako...

    Notre Dame our Mother
    Tender, strong and true
    Proudly in the heavens Gleam in the gold and blue
    Glorious Mantle cloaks thee
    Golden is thy fame
    And our hearts forever
    Praise thee, Notre Dame
    And our hearts forever
    Love thee, Notre Dame...

    Anonymous (12 September, 2006 17:10)

    Pao >> welcome. welcome. thanks.

    Yllor >> thanks.

    Leah >> salamat. salamat.

    Anonymous (14 September, 2006 21:36)

    damer ka pala. batch 95 ako. pero di ko nagustuhan stay ko dun. typical nerd vs. jock shit.

    Anonymous (16 September, 2006 12:20)

    brilliant blog!

    check this out:

    http://nostalgiamanila.blogspot.com/

    salamat!

    Anonymous (09 October, 2006 15:48)

    Notre ka rin? So, taga-Caloocan ka rin once upon a time? Saka... sa Manila Standard Today kami nagco-column ni Bong Austero hehehe hindi sa Manila Times. ;-P

    Anonymous (12 October, 2006 15:50)

    Sassy >> Yup, once upon a long time ago.

    Heheheh. Nakalibre pa ko ng edit. Salamat, Connie, para sa correction.

    :)

    Anonymous (10 November, 2006 11:34)

    Ang galing ng review sa book ni batjay... totoo ang isang line sa review, ako man ay nahikayat na mag-blog din sa paraang ginagawa ni batjay...

    Anonymous (10 November, 2006 15:58)

    maganda ang concept ng website nyo.

    --
    hi to all bloggers!! this is not a spam.. this is the same msg sent to all cool pinoy bloggers out there. our site to discuss our blogs and advertise your blog is www.pilipinas.co.nr marami na pong sumali. Salamat po.

    Anonymous (07 March, 2007 18:32)

    ganda po ng kwento nyo.... sarap magbasa.... koreksyon lang po... 1998 or 1997? ko kase nabasa bobong pinoy ni bob ong... sya earliest blogger na nag publish....

    Anonymous (01 May, 2007 09:11)

    maganda ang pagkakagawa ng review mo... kaso nasusunod o sumusunod ka sa agos ng daloy ng pagsusulaat ni bob ong.wag gunun!!bilang manunulat dapat ay meron tayong sariling identity, alam kong hindi sinasadya ang ilan sa mga naging "daloy" katulad ng pamamaraan ng pagsusulat ni bob ong.. pero magaling kas pa rin kahit sa anong anggulo! mabuhay ka kapatid sa larangan ng litetarura. email me at pensucks@gmail.com or drop to my friendster for any comment of yours...

    Anonymous (08 October, 2008 19:36)

    nanonoood ba kyo sa T.V 5 nood na kyo ksi maganda yung mga palabas.

    Anonymous (10 March, 2009 13:55)

    Kailan kaya magkakaroon muli ng kwentong tambay si kuya Batjay! Garbe ang ganda talaga ng nilalalaman ng mga kwento niya! Ang buhay talaga ng isang OFW ay sadyang makulay! Sana maging friends ko ang ilan sa kanila, marami kasi silang kwento na maaari mong kapulutan ng aral! Add my yahoo.mail account: markicedevil@yahoo.com! tnx!

    Anonymous (26 July, 2009 23:57)

    san pa po ba may available ng kwentong tambay??? wala po kasi sa national bookstore dito sa amin. im from lucena city. i also searched the book sa national bookstore website pero zero ang result. please please...ang tagal ko na hinahanap tong librong to...

Post a Comment